Friday, August 25, 2006

Gusto kong magpaalam

Gusto kong magpaalam
Kahit di pa ako dumarating
Kahit di pa kumakatok
Sa puso mong nakapinid.

Gusto kong lumayo
Kahit di pa ako lumalapit
At hindi ko pa natatanaw
Ang bubong ng iyong pag-ibig.

Tumahimik, kahit gusto kong isigaw,
Ang mga bagay na hindi ko maibulong
Dahil maraming makaririnig.
Lumakad nang marahan
Kahit ubos na ang panahon
Sa mga bagay na walang nararating.

Maibsan sana ang aking pagsisisi
Sa mga bagay na hindi naman nangyari,
Mga salitang hindi naman nasabi, mga hinagpis
At luhang minadali. Gusto kong maiyak.

Gusto kong tapusin
Ang hindi ko pa nasisimulan
Isara ang hindi ko pa nabubuksan
At gawing nakaraan ang hindi pa dumarating na kinabukasan
Nating dalawa, sa gitna ng kawalan ay panghihinayang
Kung ang sana ay nagaganap na,
Ano pa kaya ang maaari kong asahan?

(October 2005)