Thursday, January 31, 2008

15 Years

15 taon na ako sa insti. Nalampasan ko na ang dalawang episodes ng tinatawag na 7-year itch at eto pa rin ako. Nagsisimula uling mangati, pero sabi nga ng mga kasama ko, "Anong seven-seven-year itch, pamburgis lang yon!"

Naikot ko na yata lahat ng departments. Mula research, seminars, publications, maski administration at logistics. Kulang na lang maging security rin ako ng "under siege" naming opisina, though may panahon ngang ako ang taga-susi sa gabi.

Pati mga special committees katulad ng "building committee" (noong nagpatayo kami ng building), "rushcom" (noong nagka-krisis kami sa delivery), o kaya, ang generic na "staff committee" (isang machinery para sa mga kaso ng dispalko, sexual harassment at iba pang kasong pandisiplina) ay nasalihan ko na. (Nasubukan ko na ring ako mismo ang may kaso at na-staff committee!) Syempre part din ako ng mga komiteng binubuo para sa mga special occasions tulad ng christmas party at outing. (At nasubukan ko na ring maging kandidata sa Ms. Pagudpud 2000 nung mag-outing kami sa Ilocos, natalo nga lang at hanggang ngayon ay "under protest" ito, at syempre naging "Queen of the Night" noong 60s ang theme ng aming christmas party.)

Nahawakan ko na rin lahat ng pusisyon - writer, editor, director. Nakatrabaho ko na lahat ng klase ng kasama - may kapansanan (marami nito) at wala (may isa o dalawa); ambisyosa (may mangilan-ngilan) at matatakutin; kwela at uptight (may isa o dalawa at mas nakakatawa sila kesa sa mga kwela); OC (obsessive compulsive - marami rin nito) at burara (finance officer ito ha!). Marami kaming bading at marami pang napa-out sa proseso, ang iba naimpluwensyahan na lang namin.

Naisulat ko na yata lahat ng usapin - economics, politics, culture - mula sa pagsasara ng mga pabrika at pagpapalit ng presidente hanggang sa pagdami ng shopping malls at pag-kain ng junk food. Pati manual of operations ng opisina namin naisulat ko na rin.

Humarap na ako sa lahat ng klase ng audience. Syempre ang staple - manggagawa at magsasaka - pero andyan din ang mga teachers, estudyante, negosyante, propesyunal, kapari-an, ka-sister-an, congressmen. Pati sa Rotary Club nakapagsalita na rin ako. Itim, puti, latino, hapon, tsino, asyano, ilokano, bisaya, bicolano, moro.

Nakuha ko na rin lahat ng sakit na may kinalaman sa stress - balakubak, galis, ngiping umiikot pero hindi naman sira, pati yung TB ko sabi ng duktor ay stress-related. Kung paano na-stress ang mga bacteria di ko alam pero somehow, naniniwala ako.

Nagawa ko na rin lahat para aliwin pa sarili ko. Andyang mag-mountaineering ako. Lumangoy, mag-bisikleta, tumakbo - hanggang magbalak na nga akong sumali ng triathlon na hindi naman matuloy-tuloy dahil "busy" nga ako di ba? (Sasali na talaga ako this year, tutal wala na akong ka-age category.). Nagkulay na din ako ng mga coloring books, nag-subok magcross-stitch pero sige marathon na lang. Buryong na ako.

Matagal-tagal na talaga ako sa insti. Dito na ako nakapag-asawa at nawalan. Dito ko na natutunan lahat ng mas mahahalagang bagay kesa sa mga tinuro sa eskwela, katulad ng rebolusyon, naks, pero ayoko na talaga. Gusto ko nang magpalipat.

Kaya nga nung isang araw, nagpaalam na ako. Gusto ko sana sa hanay ng mga magsasaka, gusto ko literally sa field, makawala sa opisina, humarap sa tao at hindi puros computer, matuto ng mga totoong kwento sa pakikinig at hindi lang sa kababasa.

Maraming kundisyon, maraming kailangang tapusin, at dapat makapag-train ng kapalit, bago daw ako makakaalis. Ganun, parang katulong. Pero ang irony sa lahat, marami raw akong dapat i-unlearn kasi ang mga natutunan ko sa insti, laluna na yung style of work, ay hindi naman daw bagay sa peasants!

No comments: