Thursday, February 21, 2008

Pahabol sa VD

Akala ko,
kailangan ng isang epikong
siksik sa mga dula,
at makukulay na kabanata
twists and turns
cast of million
kuhang panorama
mga daring stunts
at operatic scores
sa mga whirlwind affairs
at knight-in-shining armor
na kukuha sa akin
mula sa wicked sorcerer.
Akala ko lang...
para masabing masaya.

Akala ko,
kailangang sakay ako ng kabayo
riding out in the sunset...
o sumasayaw sa ulan
kahit hindi slow-mo...
o nagtitirik ng bandila
sa tuktok ng burol
at isinisigaw ang saloobin
para lang masabing
kuha ko ang happy ending.

Mali ako.
Ang totoo,
sa maliliit na kwento ako
umapaw sa saya.
Ang bigla mo na lang
akong yayaing mag-bike
kahit madaling araw at madilim pa
at dalhin sa U.P.
at doon, kung saan sabi mong
dati kayong naghihintay
ng babagsak na bulalakaw,
ay kumain tayo ng breakfast
take-out mula sa Rodick's
pinahiga ang mga bisikleta
at sumalampak sa damuhan
habang binubugaw si Muning.

At mula sa ating meteor garden
ay umuwi tayo sa Sta. Ana,
at sa pagod nakatulog
gumising kang may topak,
nag-trip ka ng pritong Maling
at ako naman ay bumili kay Akik
ng isang bandehadong pancit.

Ang turuan mo akong
mag-ukay-ukay sa hilltop sa Baguio
at habulin ang pagbagsak ng presyo,
bumili ng mga damit
na walang subok-subok
at pag-uwi sa bahay
ay ikaw din naman lahat ang magsusuot
kasi walang magkasya sa akin.

Ang gusto ko lang naman
sabihin, maligayang maligaya ako
sa ating maliliit na eksena
nagtatampisaw akong sobra
may sayaw at himig sa akin
wagayway ng iba't ibang kulay
sakay sa ulap sa saliw ng hangin
at marami pang kakaibang damdamin
At gusto ko ring sabihin
sana wala itong ending.

3 comments:

jericho said...

ang saya naman. kelan kaya darating sa akin ang umaga? haha. galing galing ng tulang ito!

Anonymous said...

*singing* love is in he air...

i love this poem as well as the first one you posted here. love it!

Kiks said...

nakakainis. so inlab talaga.

kakairita. bakit ako kinikilig sa l-love?

charoz!