Pumanaw na si Rep. Crispin "Ka Bel" Beltran, lider-manggagawa, kongresista, ama, asawa, kasama.
Mahirap sumahin ang buhay at pakikibaka ni Ka Bel, haligi ng militante at palabang kilusang manggagawa. Estudyante pa ako, si Ka Bel na ang simbolo ng pagkakaisa at tindig ng mga manggagawa. Kaya noong mag-thesis ako, walang dalawang-isip, labor ang paksa.
Hindi ko makakalimutan si Ka Bel. Magiliw sya, palabiro, malambing, magaan kausap. Walang ere, walang iniinda, tunay na lider ng masa.
Kapag kinamayan ka nya, tuloy akbay, ganun nya minahal ang mga manggagawa at ganundin nya kinalinga ang mga kasama.
"Ayan ha, ito ang una kong public appearance pagkalaya ko!" Sabi nya noong pinaunlakan nya ang porum ng aming upisina tungkol sa tubig, ilang minuto lang pagkalipas syang "palayain" ng gubyernong Arroyo. Si Ka Bel talaga, sya na nga ang nagbigay karangalan sa aming porum sa kabila ng kanyang hapit na kalagayan, pakiramdam pa rin nya ay magtatampo kami kung hindi sya dadating.
Mahigit 30 dekadang tinugis, inapi, pinatahimik, kinulong, hinaras si Ka Bel ng reaksyunaryong estado. Pwede na sana syang namatay sa torture, assassination, physical injuries, sa kulungan, o sa sakit dulot ng karahasan ng estado.
"Bakit daw?!" galit kong tanong
"Nalaglag sa bubong." Sagot ng kausap ko.
Noong mabalitaan ko kung paano pumanaw si Ka Bel, kahit isang sandali ay hindi nabawasan ang paghanga at pagpuri ko sa kanya bilang bayani ng sambayanang Pilipino. Ang paraan ng kanyang pagpanaw ay simbolo ng kanyang komitment sa buhay at pakikibaka ng anakpawis.
Paalam, Ka Bel. Tuloy ang pakikibaka!
1 comment:
ang lungkot
Post a Comment