Friday, April 25, 2008

Byaheng Balikan

Nagparoo't parito ako sa Legaspi City noong Huwebes, eroplano papunta sa umaga, bus pauwi sa gabi. Maliit na laptop backpack lang ang dala ko.

Pag-check-in ko sa Cebu Pacific noong papunta, napaisip ako sa standard na tanong ng ground stewardess: May bagahe kayo ma'am?

Na-inspire tuloy akong sumagot sa recent post ng isang kaibigan tungkol sa pag-byahe nang magaan.

Naisip ko lang, wala akong bagahe, hindi lang ako nakakalimot. Di katulad ng kaibigan ko na short-term ang memory, ako sa maniwala kayo sa hinde, naaalala ko pa ang first birthday ko. Pinakbet ang handa.

Flex Revlon ang shampoo ko nung una akong magkagusto sa babae. Binigyan nya ako ng lyrics ng A Woman in Love sa H.E. class namin, sinulat-kamay nya sa yellow pad, tapos lahat ng 'man' sa lyrics pinalitan nya ng 'woman'. Naghiwalay kami nung 4th year kasi, oh well, pinalitan nya ako ng 'man'. Nagpalit ako ng shampoo.

Summer noong magka-boyfriend ako. Tuwing hapon naglalaro kami nung word game na Boggle, na prinonounce nya ng bogli. Hindi na ako nakipag-talo kasi lagi ko din naman syang talo sa game. Dumating ang pasukan na-realize ko na marami pala kaming di mapag-uusapan kasi bukod sa magka-iba kami ng pronunciation, magka-iba rin kami ng bokabularyo.

Taumbayan ang una kong naging papel sa teatro noong college sa Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino. Ako sana talaga si Inang Bayan, pero hindi ko kinaya ang magtatakbo mula sa audience papuntang stage at magsisigaw ng "Mga walang-hiya! Mga walang utang na loob! Kayo'y nagsasayahan habang nagluluksa ang sambayanan!" Mahiyain pala talaga ako, sabi ng direktor. Ewan, basta alam ko may krisis ako noon.

Inis na inis tuloy ang bespren kong bading sa akin. Kasi bilang taumbayan ang sinuot kong costume ay mahabang saya na ang tela ay kapareho ng tela ng uniform ng mga babae nila sa Quezon City Science High School. Malay ko bang pinangarap nyang isuot yun!

Speaking of saya, naka-bestida ako nung malaman ko ang pakiramdam ng kinakabugan kapag kinakaliwa. Naghintay talaga ako dun sa kanto para mahuli ko sila. Ayun, magkasama nga silang bumaba ng jeep. Hindi sila bagay, hindi rin bagay sa akin ang bestida. Umabot pa naman ng 8 taon ang relasyon na yun, 4 na beses din ako kinaliwa. Noong huli, sya naman ang kinabugan.

Telepono ang unang appliance ko noong nakipag-bahay-bayahan ako. Nakasalampak pa nga ito sa sahig kasi walang ibang gamit na mapagpapatungan sa kwarto. Pagkalipas ng 13 taon, noong sumikip na rin ang apartment, nagkahiwalay kami kasi nawalan na kami ng totoong komunikasyon.

Nagpapalipad ako ng saranggola sa Subic noong magsimula akong mabagot sa relasyon ko ng 13 taon. Tumigil kami sa Shell station noong pauwi para kumain ng ice cream. Naalala ko tuwang-tuwa ang mga kasama namin sa iba-ibang flavors na mapagpipilian samantalang double dutch, cookies and cream, rocky road, at very rocky road lang naman ang nasa freezer. Ako, ewan ko ba, ampalaya yata ang napili ko.

Sa huli, naisip ko, maliban sa sinumpa ako ng matinding memorya, masaya ako sa araw-araw. Wala akong pagsisisi, wala akong ibang dala-dala. Sa katunayan, tuwing lumilipat ako ng tirahan, katulad ng kaibigan ko, nagkakasya rin ako sa isang maleta.

Saturday, April 12, 2008

May wi-fi sa Lumang Bahay

Mantakin mo, ang lumang bahay ni Aning – circa 60s ito, 90% kahoy, two storeys, nasa labas ang hagdan kung aakyat ka sa taas kung saan kami nakatira at may sariling buhay ang silong, capiz ang bintana at narra ang muebles – ay naka-wi-fi na!

Kaya minsan pag-uwi ko doon, hinilera namin ang mga laptops sa mesang kainan, at ayun, mega-internet ang mga bakla kahit wala naman deadlines, at may gana pang mag-chat sa isa’t isa!

Proyekto ito ni Mira (Room No. 2) at Gail (Room No. 5), parehong computer programmers na walang panahon sa upisina para sa mga personal nilang interes sa net kaya sa bahay nila ito ginagawa. Sinuportahan naman namin sa Room No. 4 ang proyekto, kasi kulang naman ang oras namin sa net para sa trabaho, bukod pa sa hindi palaging may koneskyon si Mango.

Ang saya, salamat sa globalisasyon.

Kaya lang noong “soft launch” ng aming proyekto, na-miss ko bigla si Boots – ang kaibigan kong nasa Oxford. Sya nagturo sa akin mag-chat, at noon, araw-araw nya akong kinukulit sa text na mag-online na at mag-ch-chat na daw kami. Naiinis ako noon kasi hindi naman kami pareho ng oras di ba, at hindi rin kami pareho ng akses sa net. Pero ngayon na halos 24 oras na ako naka-konek, kapag tulog na lang hindi, hindi na rin kami nag-uusap, hindi na sya kumukonek at all, at hindi na rin nag-te-text.

Magkasing-mahal daw kasi ang text at tawag. Bawal daw sa upisina nila ang mag-download ng chat programs dahil nakakabawas ito ng efficiency sa trabaho. At mahal naman ang kuneksyon sa bahay-bahay, at syempre mahal ang laptop sa Europa.

Salamat sa globalisasyon? Na maski nililipad ang bubong ni Aning, tumutulo ang kubeta sa silong at nagwawala ang pamilya sa baba ay naka-wifi sya?

Demokratisasyon daw ng teknolohiya ang globalisasyon, na lahat ay magkakaroon ng akses sa teknolohiya para sa pag-unlad. Pero pakiramdam ko depende kung ano ang gustong itambak sa Third World (at sa mahal na halaga sa totoo lang) habang nakapokus ang First World sa esensya ng pag-unlad.

Huling balita ko kay Boots, nagpapa-renovate sya ng bahay.

Tuesday, April 08, 2008

Hating-Gabi kay Aning

Kung ipagpapabukas ko
ang ating pag-ibig
Para ko na ring isinantabi
ang lahat ng ating pinagdaanan
at kahihinatnan pa
ng ating himagsikan
Para ko na ring binale-wala
ang mga dumaang kontradiksyon
at narating na resolusyon
sa pagitan nating dalawa
Tinalikuran
ang aking mga pangako
na unti-unting pinapatupad
Kinalimutan
ang tapat at paulit-ulit kong
panambitan
Hinayaan
Na sa araw-araw kitang minamahal
ay may maiwan pang pagdududa
Para ko na ring sinabi
na ang ating masalimuot na pagsisimula
na matagal mong iniyakan
ay nananatiling walang batayan.
Na lahat ng ating paghihintay
pakikipagtunggali at paghahanda
sa pagdating ng tagumpay
ay madaling ipagpaumaga.

Mahal ko, huwag mo akong tanungin
Kung ako nga ba ay handa na
na makilala ng lahat
at humarap sa dambana
ng pag-ibig at pakikibaka
Para mo na rin akong tinanong
kung naniniwala nga ba ako
sa atin at sa pagbabago
Para mo na ring pinagdudahan
Ang palagi kong pagtatapat
At kung ako nga ba
ay karapat-dapat
sa proseso ng kasal.
Mahal ko, huwag mong hanapin
Ang kasiguraduhan sa akin
Huwag mo nang itanong…
dahil katulad ng rebolusyon
ang pag-ibig ko ay araw-araw
Isusulong.